4 drug dealer, timbog sa Marikina

Ang  apat na drug dealer makaraang madakip sa isinagawang buy-bust operation sa  Brgy. Barangka sa Marikina City. KUHA NI BERNARDO BATUIGAS

MANILA, Philippines - Apat na sinasabing drug dealer  ang inaresto ng mga awtoridad sa Marikina City nitong Lunes ng gabi.

Ang mga suspek ay nakilalang sina Andy Cruz, Joseph Katon, Antonio Moncada at Noli Moncada.

Batay sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-10:00 ng gabi ng Lunes nang isagawa ang buy bust operation sa hide-out ng mga suspek sa Brgy. Barangka, Marikina City.

Kaagad namang pinosa­san ang mga suspek habang tinatanggap ang marked money­ mula sa mga awtoridad.

Narekober mula sa mga suspek ang P29,000 na cash, 70 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P300,000, drug paraphernalias, cell phones at dalawang motorsiklo.

Ayon kay Marikina Vice Mayor Jose Fabian Cadiz, ang apat na suspek ay notoryosong drug pushers sa lungsod at labas-masok sa bilangguan dahil sa paulit-ulit na paglabag sa batas.

Aniya, may 15-taon na umanong nag-ooperate ang mga suspek sa Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan pero ngayon lamang natiyempuhan ng mga awtoridad.

Tiniyak ni Fabian na sa pagkakataong ito ay titiyakin nilang hindi na makakalabas ng kulungan ang mga suspek.

Show comments