Vhong, Deniece at Cedric, nagharap na

Nagkaharap sa korte sina Vhong Navarro at grupo nina Cedric Lee   at  Deniece Cornejo, gayunman pawang tumangging magbigay ng anumang pahayag ang mga ito. MGA KUHA NI EDD GUMBAN

MANILA, Philippines - Nagkaharap na rin kahapon sa Taguig City Regional Trial Court  (RTC) ang TV host at actor na si  Vhong Navarro at grupo nina Deniece Cornejo at Cedric Lee.

Nabatid, na pasado ala-1:00 kahapon ng hapon dumating si Navarro sa Taguig RTC, Branch 271 kasama ang abogado nito.

Samantala, naunang dumating si Cornejo sa na­turang korte (alas-7:45 ng umaga­)  matapos itong dalhin ng convoy ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Nakaposas si Cornejo na dumating sa Taguig RTC. Naka-sumbrero at naka­suot ng jacket na itim at guwardiyado ng mga secu­rity escorts nang bumaba ito mula sa sinakyang Toyota Innova ng pulisya.

Tumangging magpa-interview si Cornejo sa mga mamamahayag at dire-diretso na itong pumasok sa loob ng court room partikular sa sala ni Judge Paz Esperanza M. Cortes ng Branch 271.

Mahigpit na pinagba­walan ang mga reporter na pumasok sa loob ng court room ng Taguig City RTC, Branch 271.

 Dumating din ang lola ni Deniece na si Florencia Cornejo at sa maikli nitong pahayag ay sinabi nitong malaki ang paniniwala niyang malalampasan ng kanyang apo ang mga pagsubok na kinakaharap nito ngayon.

Una rito ay sinabi na ng abogado ni Cornejo na si Atty. Connie Aquino na maghahain ng petition for bail ang kanyang kliyente para sa kasong serious illegal detention na isinampa laban dito.

“Even if it’s not bailable, the client can still file for bail. All the lawyers know that, as long as the evidence of guilt is not that strong,” ayon kay Aquino.

Ibinalik si Cornejo sa Camp Crame. Sina Lee at Raz ay manatili sa kustodiya ng NBI. Inaasahan ding mag­hahain si Cornejo ng petisyon para makapagpiyansa.

Nahaharap ang tatlong akusado sa serious illegal detention na non-bailable offense at grave coercion ka­ugnay ng pambubugbog  kay Navarro noong Enero 22 ng taong kasalukuyan.

Show comments