MANILA, Philippines - Dahil lamang sa away trapiko ang sanhi nang pamamaril sa dalawang Taiwanese national na ikinasawi ng isa rito matapos nilang magkagitgitan ang suspek noong Sabado ng gabi sa Pasay City.
Patay na nga nang dumating sa Manila Doctors Hospital ang biktimang si Chen Li Jun makaraang magtamo ng tama ng bala sa likuran na tumagos sa kanyang leeg habang ginagamot din sa naturang pagamutan ang kasama nyang si Zhad Zhi Jun na nahagip ng bala sa kanang hita.
Nabatid kay Senior Supt. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay City Police, bago nangyari ang insidente ay nag-inuman ang mga biktima, kasama ang mga kaibigang Chinese national na sina Bruce Huang at Steven Kho sa Century Seafoods Restaurant sa Century Park Hotel, Vito Cruz St., Malate, Manila bago nagpasyang bumalik sa tinutuluyan nilang Midas Hotel sa Roxas Boulevard pasado alas-11:00 ng gabi.
Batay sa ulat ng pulisya, nasa panulukan na ng Vito Cruz at Roxas Boulevard ang apat, sakay ng isang Nissan Sentra (ZMP-923) na minamaneho ni Huang nang makagitgitan ang isang hindi pa batid na uri ng sasakyan.
Sa halip na huminto upang alamin kung nasira ang nabangga nilang sasakyan, pinaharurot ni Huang ang sasakyan patungo sa gawi ng Buendia, subalit hinabol sila ng nakagitgitang sasakyan at pinaulanan ng bala na naging dahilan upang mahagip ang mga biktima.
Inaalam na ng pulisya kung nahagip ng nakakabit na CCTV camera ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pangyayari upang makatulong sa ginagawang imbestigasyon.
Sinabi ni Ortilla na iniutos na niya sa kanyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa MMDA upang makahingi ng kuha ng CCTV at alamin kung nakuhanan nito ang insidente.