MANILA, Philippines - Maaari nang pasimulan ang consultancy work para sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) Masinag Extension Project.
Sa notice to proceed na inisyu ng Department of Transportation and Communications (DOTC), inatasan ng departamento ang Foresight Development & Surveying Co (FDSC), Soosung Engineering Co Ltd at Korea Rail Network Authority (KRNA) na simulan na ang trabaho sa loob ng pitong araw matapos na matanggap ang naturang notice.
Ang notice ay ipinadala sa consortium noon pang Abril 7 ngunit kamakailan lamang na-upload sa DOTC website.
Ini-award ng DOTC ang P240.78-milyong kontrata para sa consulting services sa civil works sa Foresight-Soosung Group para sa LRT 2 extension.
Ang bid ng grupo ay mas mababa umano ng P350 milyong budget na itinakda ng DOTC. Kasama sa proyekto ang pagdaragdag ng 4.2 kilometro sa dati nang 13.8-kilometer service eastward mula sa Santolan station sa Marcos Highway sa Pasig City.
Dalawang karagdagang istasyon rin ang itatayo sa elevated viaduct na nagkokonekta dito sa bagong terminal sa intersection ng Marcos Highway at Sumulong Highway sa Masinag, Cainta.