MANILA, Philippines - Tatlo katao ang kumpirmadong patay sa sunog na naganap kahapon ng hapon sa Malate, Manila.
Ito ang napag-alaman kay FO2 Lords Hernandez ng Manila Fire District ng Bureau of Fire Protection na umano’y pawang na- suffocate sa naturang sunog sa Joerge Bocobo St., sa Malate.
Kinilala ang mga nasawing sina Margarita Villar, 62; ang asawang si Edgardo Villar, 61, at anak na si Merwin Villar, 42, na residente ng 1209 Jeorge Bocobo St., sa Malate.
Batay sa report ng Arson Division ng Bureau of Fire,. ang mag-amang sina Edgardo at Merwin ay isinugod sa PGH at magkasunod na idineklarang patay.
Samantalang sa Ospital ng Maynila, naisugod si Margarita, subalit hindi na rin ito naisalba ng mga manggagamot.
Acute respiratory failure secondary to smoke inhaÂlation ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.
Nabatid sa report ni FO2 Hernandez, posibleng na-suffocate o nahirapang huminga ang tatlong biktima na natagpuan sa loob ng banyo ng kanilang bahay.
Nauna nang naiulat ang naganap na sunog sa nasabing lugar ng dakong alas-3:09 ng hapon, at naideklarang fire out dakong alas-4:40 ng hapon din.
Lumitaw sa ulat na nagsimula umano ang sunog sa ikatlong palapag ng bahay pag-aari ni Corazon Layug sa nasabing lugar at nadamay ang may sampu pang kabahayan kung saan aabot sa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan at pansamantalang nagkakanlong sa Remedios Circle sa Malate.
Tinatayang may P1 milyon halaga ang natupok na ari-arian at patuloy ang imbestigasyon ng Arson sa sanhi ng sunog.