MANILA, Philippines - Nasa 20 pamilya ang naapektuhan ng sunog sa isang apartment sa San Andres, Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Naideklarang fire-out ang sunog sa panulukan ng Linao at Anakbayan Sts., San Andres, dakong alas-9:30 ng umaga na nagsimula alas-7:26 ng umaga.
Agad umanong itinaas sa Task Force Alpha ang nasabing sunog ilang minuto lamang ang nakaraan dahil sa pawang yari sa light materials ang nasabing apartment kung kaya mabilis ang pagkalat ng apoy.
Sa inisyal na ulat ng Manila Fire Bureau, unang nagsiklab ang apoy sa bahay ng isang Kagawad Erlinda Salonga at mabilis na kumalat sa mga unit.
Tinatayang nasa P3-milyon ang napinsalang ari-arian bagamat walang nasaktan o nasugatan.
Inaalam pa ng Arson Investigation ang sanhi ng apoy.
Samantala, isa ring sunog ang sumiklab sa Navotas City, kamakalawa ng hapon kung saan 30 kabahayan ang natupok ng apoy.
Ayon sa inisyal na ulat ng Navotas City Fire Department ala-1:30 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa isang squatters area sa M. Naval St., ng naturang siyudad. Dahil dikit-dikit ang mga bahay na yari lamang sa light materials kung kaya’t mabilis din na kumalat ang apoy hanggang sa umabot ito sa mga kabahayang nasa Lapu-Lapu St.
Nabatid kay Fire Senior Insp. Ian Manalo, deputy fire marshall ng Navotas City Fire Department, wala namang naÂsugatan o namatay sa insidente. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at inaalam pa rin kung magkanong halaga ng mga ari-arian ang naabo.
Nabatid, na umabot lamang sa ikatlong alarma ang insiÂdente at alas-2:17 ng hapon nang ideklara ng mga awtoridad na kontrolado na ang sunog.