Hairstylist patay sa saksak

Bumulagta sa kalsada ang hairstylist na si Louie Adona makaraang pagsasaksakin ng hindi pa naki­kilalang suspect sa may Brgy. Balingasa sa lungsod Quezon kamakalawa. (Kuha ni Joven Cagande)

MANILA, Philippines - Isang hairstylist ang nasawi matapos na pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa lungsod Quezon kama­kalawa.

Si Louie Adona, 26, ng Brgy. Balingasa, ay naabutan na lamang walang buhay sa kalye at naliligo sa sarili nitong dugo, ayon kay PO2 Julius Balbuena, may-hawak ng kaso.

Nangyari ang insidente sa may  Andres Bonifacio St. Corner­ Bignay Alley, Brgy. Balingasa, dakong ala-1:55 ng ma­daling-araw.  

Sabi ng isang Faustino Torres, natutulog umano siya sa bangketa nang magising siya sa malakas na sigaw di kalayuan sa kanyang lugar.

Kalaunan ay nakita niya ang isang lalaki na tumakbo palayo mula sa naturang kalye. Matapos ito, nakita na lang ni Torres ang walang buhay na katawan ng biktima habang duguang nakasubsob sa simento.

Nagtamo ng mga sugat sa dalawang kamay, sa kaliwang binti at isang saksak sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib ang biktima.

Hinala ng pulisya posibleng nanlaban pa ang biktima sa suspek bunga ng mga sugat na nakita sa kanyang katawan.

Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.

Show comments