3 sugatan sa amok

MANILA, Philippines - Nasa malubhang kala­gayan ang dalawa katao habang bahagyang na­sugatan ang isang babae makaraang pagsasaksakin ng isang nag-amok na lalaki, kamakalawa ng gabi sa Ma­labon City.

Kapwa ginagamot sa Tondo Medical Center sina Nar­ciso Dela Cruz, 40, ng M.H. del Pilar St., Tugatog, at Joseph Cartago, 45, ng Maya-Maya St., Longos, Ma­labon. Agad namang pinalabas matapos na malapatan ng lunas sa Caloocan Medical Center si Lourdes Garcia, ng M.H. Del Pilar, Malabon.

Isinugod naman sa Philippine General Hospital makaraang magmistulang-gulay sa inabot na bugbog ng taumbayan ang nag-amok na si Reynaldo Cruz, 55, ng Sangandaan, Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, pawang nasa labas ng bahay ng mga Dela Cruz ang tatlong biktima nang biglang sumulpot dakong alas-9 ng gabi ang suspek na si Cruz na armado ng patalim at nanghalihaw ng saksak.

Nakasigaw naman ang mga biktima na nakakuha sa atensyon ng mga tambay at kapitbahay na mabilis na sumaklolo.  Dito pinagtulungang bugbugin ng mga residente si Cruz na natigil lamang nang dumating ang mga pulis.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente upang mabatid kung ano ang pinag-ugatan sa pagwawala ng suspek.

Show comments