MANILA, Philippines - Isang sanggol na pinaniniwalaang kasisilang pa lamang ang natagpuang palutang-lutang sa isang sapa sa lungsod Quezon nitong Sabado de Gloria.
Ayon sa ulat, ang sanggol ay nakita ng isang maÂngaÂngalakal ng basura na si Larry Labro sa may kahabaan ng West Riverside St., Brgy. Damayan, San Francisco Del Monte.
Diumano, palutang-lutang ang biktima sa sapa ng San Francisco, ganap na alas-12:30 ng hapon nang makita ni Labro at agad na iniahon niya ito, ayon kay SPO1 Pascual Fabreag, imbestigador.
Nang maiahon ni Labro sa tubig ay saka ipinagbigay alam ang pangyayari sa mga opisyales ng barangay sa lugar.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, ang sanggol na tinatayang isang araw pa lamang, ay may sugat sa ulo at kapuputol pa lamang ng kanyang umbilical cord.
Inaalam ngayon ng otoridad kung saan nagmula ang nasabing sanggol upang matukoy ang tunay na pangyayari ukol dito.