Registration sa Korean language test itinakda

MANILA, Philippines - Itinakda na ng Human Resources Develop­ment Service of Korea (HRD-Korea), sa paki­kipagtulungan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang 10th Test of Proficiency in Korean (TOPIK) simula sa Abril 21 hanggang 25.

Ang TOPIK ay para sa mga Filipino job seekers­ na nais magtrabaho sa Korea sa ilalim ng Employment Permit System (EPS). Ayon kay POEA Administrator Hans Leo J. Cacdac, ang kuwalipikadong aplikante sa TOPIK ay dapat na nasa pagitan ng 18 hanggang 38-taong gulang, o ipinanganak sa pagitan ng Abril 21, 1976 hanggang  Abril 21, 1996. Dapat umanong wala silang anumang rekord ng deportasyon o departure orders mula sa Republic of Korea at hindi restricted o pinagbabawalang umalis ng Pilipinas.

Ang mga interesadong aplikante ay dapat umanong personal na mag-aplay para sa pagsusuri at dapat na mayroong balidong pasaporte sa araw ng pagpapa-rehistro.

Nabatid na ang HRD ng Korea ay nagpa­patupad ng “no valid passport, no registration” policy upang maiwasan ang discrepancy o kamalian sa kanilang personal na impormasyon sa hinaharap. Dapat rin umanong magdala ang mga aplikante ng photocopy ng kanilang pasaporte, dalawang pirasong passport size pictures na kinuhanan sa loob ng huling tatlong buwan, at PhP1,066 para sa testing fee.

Pinaalalahanan ni Cacdac ang mga aplikante na ang pagkakasama sa EPS roster sakaling makapasa sa TOPIK at medical examination requirement ay hindi garantiya na makakapasok ng trabaho sa South Korea.

Nilinaw rin niya na ang napagkasunduan ng HRD-Korea at POEA, na tanging lalaking aplikante lamang na tumugon sa kanilang online survey ang maaaring mag-register sa susunod na TOPIK.

 

Show comments