MANILA, Philippines - Dahilan umano sa sama nang loob matapos hindi isama sa outing at gawing taong bahay ng kanyang pamilya, isang 18-anyos na dalaga ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili sa Quezon City nitong Biyernes Santo.
Kinilala ang biktima na si Princess Mahusay, na nadiskubreng nakabigti sa loob ng kanilang tahanan sa CMLI compound sa North Avenue, Brgy. Pag-asa ng lungsod.
Ayon kay PO2 Rhic Pittong, may hawak ng kaso, ang boyfriend ng biktima na si Emmar Palma, 25 anyos ang nakadiskubre sa nakabigting biktima. Sinabi ni Palma, dakong ala-1:30 ng hapon ng magtungo siya sa bahay ng kasintahan upang bumisita nitong Biyernes Santo ng magulantang sa inabutan.
Nabatid na maaga pa lamang ng nasabing araw ng umalis ang buong pamilya ng biktima na naiwan sa kanilang tahanan para mag-outing sa Zambales .
Pinagalitan pa umano ng kanyang mga magulang ang dalaga sa hindi tinukoy na dahilan at ginawang tagabantay ng kanilang bahay dahil sa marami ang nagsasamantalang “akyat-bahay†kapag Semana Santa.
Ayon kay Palma, nang kumatok siya ay walang sumasagot pero napuna niyang hindi nakasara ang pinto kaya tuluy-tuloy siyang pumasok.
Humingi pa ng saklolo ang binata sa mga kapitbahay para putulin ang kumot na itinali ng biktima sa kanyang leeg pero huli na ang lahat dahil hindi na siya humihinga.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kasong ito kung may naganap na foul play.