Bumbero inalerto sa pagrarasyon ng tubig

MANILA, Philippines - Inalerto ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang lokal na Bureau of Fire Protection para sa pagrarasyon ng tubig sa apat na barangay na maaapektuhan sa service interruption  ng Maynilad.

Sinabi ni Acting City Traffic and Parking Management Office (CTPMO) chief, Armando Militar, na bukod sa BFP-Navotas, nakipagdayalogo na rin siya sa mga fire volunteer groups upang tumulong sa pagrarasyon ng tubig sa mga kababayan na mawawalan ng tubig mula Abril 16-19.

Pumayag naman umano ang Maynilad sa kahilingan ni Mayor John Rey Tiangco na ibalik ang suplay ng tubig sa naturang mga araw sa pagitan ng alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw.  Sa naturang mga oras, maaaring mag-ipon ng tubig ang mga residente ng apat na barangay.

Nanawagan naman si Militar sa mga residente na huwag magpakampante at kailangan pa rin na mag-ipon at magtipid sa konsumo ng tubig habang dapat naka-stand-by ang mga elemento ng pamatay-sunog.

Samantala, pinulong na rin ng CTPMO ang lahat ng departamento ng pamahalaang lungsod para sa ibi­bigay na seguridad at serbisyo ngayong Mahal na Araw.

Tiniyak naman ng Navo­tas Police Station ang se­gu­ridad sa paglalagay ng “public assistance desks” at pagpapaigting ng patrulya sa anim na Simbahang katoliko sa lungsod.

Show comments