MANILA, Philippines - Isang 24-anyos na Sudanese national ang nalaglag sa kamay ng pulisya sa isang entrapment operation kaugnay sa reklamo ng isang babaeng kapwa Sudanese na hinihingan ng P60,000. kapalit ng pagsosoli ng passport sa isang fastfood restaurant sa UN Avenue sa Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kalaboso ang suspek na si Sadah Kamal Khain, nanunuluyan sa Baguio City bunsod sa reklamong inihain ng isang Nasah Buthaind Sasar, 24, may-asawa at nanunuluyan sa Hyatt Hotel, Malate, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 James Poso, ng Manila Police District-General Assignment Section, dakong alas-9:45 ng gabi ng arestuhin ang suspek sa loob ng isang fastfoods sa aktong iniaabot ng biktima ang marked money na P5,000.
Ayon kay Poso, dumulog ang biktima hinggil sa panggugulo umano ng suspek at pagtanggi na ibigay na lamang ang kinuha nitong passport sa biktima.
Nagkakilala umano ang dalawa sa Baguio City at nagawa pang kunin ng suspek ang passport ng biktima at hindi na umano ibinalik.
Posibleng may gusto umano ang suspek sa biktima suÂbalit nang dumating na ang mister ng biktima ay dinala na sa Maynila at doon nanunuluyan na muli na namang ginugulo ng suspek hanggang sa tawagan siya para ipatubos ang passport.
Ani Poso, may mga kaso na ring iniharap ang biktima sa Baguio City Police. Ipaghaharap ng kasong robbery extortion sa Manila Prosecutor Office ang suspek.