Beybi natusta sa sunog

MANILA, Philippines - Patay ang isang taong gulang na batang babae, makaraang madamay umano sa nasusunog nilang bahay sa Brgy. Bagbag, lungsod Quezon kahapon ng hapon.

Sa ulat ni Supt. Jesus Fernandez, fire marshal ng Quezon City Fire Station, nakilala ang nasawi na si Charlot Margot Dela Cruz,  matapos maiwan sa loob ng naglalagablab nilang bahay sa may King Nicholas St., Malolis Ville Subdivision, Brgy. Bagbag, alas-3:23 ng hapon.

Diumano, iniwan sandali ng kanilang nanay ang sanggol at  ang dalawang kapatid nito na 10-anyos at  4-anyos  para mamalengke, kung kaya nang sumiklab ang sunog naiwang mag-isa ang biktima sa loob. Sinasabing nasa trabaho ang tatay ng biktima nang mangyari ang sunog. Dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang ma­damay ang iba pang kadikit na bahay. Umabot sa ikalawang alarma ang sunog kung saan isa sa kapatid ng nasawi ang nasugatan din.

Samantala, sugatan din ang isang sanggol matapos na magtamo ng paso  nang sumiklab ang isang  sunog, kahapon ng umaga sa ilalim ng Quezon Bridge sa Quiapo, Manila kahapon ng umaga. Nagsimula ang sunog dakong alas-8:05 ng umaga sa squatters area sa ilalim ng tulay na sakop ng Brgy. 306. Tinatayang aabot naman sa 50 kabahayan ang natupok matapos umanong magsimula sa bahay ng isang Alex Atong.

Umabot sa 5th alarm ang sunog at idineklarang under control  dakong alas-8:38 a.m. Nagdulot din ito ng matinding traffic  matapos na maapektuhan ng  sunog.

 

Show comments