Technician sinaksak ang hipag, bago nagbigti

MANILA, Philippines - Patay ang isang technician, makaraang magpasya itong magbigti   ilang minuto makaraang pagsasaksakin ang kanyang hipag, na napagbuntunan niya ng galit sa kanyang asawa dahil sa pagtatalo sa pera sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Nakilala ang nagbigti na si  Ralph Alejandro, 49, refrigerator/aircon technician, na naabutan na lamang walang buhay na nakabitin sa kisame ng kanyang bahay, ayon kay PO2 Louie Serbito. Nasa malubhang kalagayan naman sa ospital ang pinagsasaksak nitong hipag na si Zorayda Tantua, 50, na residente rin sa naturang lugar.

Sabi ni Serbito, nangyari ang insidente sa may kuwarto ng Sunday compound na matatagpuan sa Pisces St., Carmel 5 Subdivision, Brgy. Tandang Sora, ganap na alas- 7 ng umaga.

Bago ito, Miyerkules ng gabi ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang suspek at kanyang asawang si Corazon  ukol sa pera, dahilan para magpasyang makitulog ang huli sa kanyang kapatid na si Zorayda na kalapit bahay lang nila.

Kinabukasan alas -7 ng umaga ay pinuntahan ng suspek ang kanyang asawa sa bahay ni Zorayda pero hindi niya ito nakita kung saan ang hipag ang kanyang kinompronta at sinaksak. 

Mabilis namang nakasaklolo ang kaanak ni Zorayda na nakipagpambuno sa patalim kay Alejandro, hanggang sa tumakbo palabas ng kuwarto ang huli at nagkulong sa kanyang kuwarto na doon ito nakitang nagbigti ng cable wire.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa bangkay ng biktima ay bukod sa bahid ng sakal sa leeg, may sugat din ito sa ulo, at likuran. Narekober din sa lugar ang isang patalim at isang martilyo.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon para alamin kung may naganap na foul play sa insidente nang pagbibigti.

 

Show comments