MANILA, Philippines - Dahil lamang sa hindi nasagot ang tawag sa cellphone, isang driver ang ginulpi ng kanyang amo na konsehal sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Bugbog-sarado ang biktimang si Antonio Poyatos, 40, ng Kalayaan St., Brgy. Guadalupe Nuevo ng naturang lungsod.
Kinilala naman ang nambugbog na si Makati City 2nd District Councilor King Yabut, anak ito ni dating Makati City Mayor Nemesio I. Yabut, ng Barangay Bel-Air ng naturang lungsod.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng biktimang si Poyatos kay SPO2 Noel Pardinas, ng Homicide Section, Makati City Police, naganap ang insidente alas-9:00 ng gabi sa kahabaan ng Jupiter St., Barangay Bel-Air ng naturang lungsod.
Nabatid na driver ni Yabut ang biktima.
Nag-ugat ang pambubugbog nang umano ay tawagan ng konsehal ang biktima sa cellphone na hindi naman agad nasagot at nang magkita na ang mag-amo ay dito na nagalit ang naturang konsehal. Dahil nasa impluwensiya ng alak ang suspek at sa tindi ng asar nito, nagawa nitong pagsusuntukin ang biktima at sabay na nagbanta na babarilin ito. Nagmakaawa ang biktima sa suspek at dito na niya itinigil ang panununtok.
Nagtamo ang biktima ng mga pasa sa mukha, dahilan upang magpa-medical ito at pagkatapos ay nagtungo kahapon sa himpilan ng Makati City Police at nagharap ng reklamo laban sa nabanggit na konsehal.