MANILA, Philippines - Isang 67-anyos na lola ang nasawi, makaraan umanong ma-suffocate sa nangyaring sunog na lumamon sa may 30 kabahayan sa isang barangay sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, fire marshal ng Quezon City Fire Station, nakilala ang nasawi na si EmpeÂratres Pagunsan, residente sa Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa may Isadora Hills Brgy. Holy Spirit, partikular sa bahay na pag-aari umano ng isang Susan Pagunsan.
Bigla na lamang umanong sumiklab sa hindi mabatid na kadahilanan ang sunog sa naturang bahay, alas-12 ng tanghali, hanggang sa tuluyang lamunin ito.
Dahil pawang dikit-dikit ang kabahayan at gawa lamang sa light materials ay mabilis na kumalat ang apoy kung kaya nadamay ang may 30 pang kabahayan.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog, bago tuluyang itong ideklarang fire out ganap na ala-1 ng hapon.
Sa pagsisiyasat, nakita na lamang si Emperatres na walang buhay sa loob ng kanyang tinutuluyang bahay dahil sa pagkaka-suffocate sa usok. Habang isang Jayson Andrada, 19, ang iniulat na nasugatan at itinakbo sa malapit na ospital.
Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang ugat ng sunog, habang tinatayang nasa 60 pamilya ang nawalan ng tirahan.