Karpintero minartilyo sa ulo, todas

MANILA, Philippines - Patay ang isang 45-anyos na karpintero nang martilyuhin sa ulo at katawan ng kapatid ng kasamahang construction worker nang mauwi sa madugong engkuwentro ang kanilang masayang inuman sa itinatayong gusali sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng ma­daling-araw.

Namatay noon din ang biktimang si Tito Ga­bin, may live-in partner, tubong Barangay Halang, Calamba City,  sa La­guna at stay-in sa #3991 Dangal St., Bacood,  Sta. Mesa.

Agad namang naaresto ng mga barangay tanod ang pangunahing suspek na si Joel Esplana, 28, binata, ng Barangay Paking,  Sitio Sumagonsong, Molanay,  Quezon, at isa pang construction worker na si Arcenio Natada, 35.

Ginagamot naman sa Sta. Ana Hospital ang nakatatandag kapatid ni Esplana na si Teodenar, 35, may-asawa , construction worker , dahil sa tama ng bakal sa dibdib.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala 1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng ginagawang gusali sa panulukan ng Bagumbayan at Bataan Extension, Bacood,  Sta. Mesa.

Sa imbestigasyon, sinabi ng saksing si Jayson Olanda, 19, obrero at stay-in  sa construction site, bumisita lamang umano ang nakababatang Esplana sa construction site at nakipag-inuman sa biktima, sa kuya nito at kay Natada.

Makaliaps ang ilang oras, naiwan ang biktima at suspek nang magtungo na sa barracks ang batang Esplana at si Natada upang matulog.

Habang natutulog na umano ang dalawa ay naulinigan ang sigaw at paghahamon ng biktima ng suntukan hanggang sa magpang-abot at bumagsak umano ang nakatatatandang Esplana sa bakal kung saan tumama ang dibdib.

Nagawa pang tumayo at tumakbo sa kapatid at kay Natada upang magsumbong kaya dali-daling sumaklolo ang dalawa, kung saan nakahagilap ng martilyo ang suspek at hinabol nito si Gabin.

Nang makorner ay pinagtulungan umanong bugbugin at paluin ng martilyo ang biktima hanggang sa masawi.

Rumesponde naman sina Barangay Ex-O Carlos Sabado at Brgy. Ta­nod Floro Candellero na nagresulta sa pagkaka­aresto sa mga suspek.

Sina Natada at naka­babatang Esplana ay ka­salukuyang nakakulong sa detention cell ng MPD-Homicide Section.

 

Show comments