Naghiwalay ng syota dinamdam, obrero tumalon mula MRT station, sugatan

MANILA, Philippines - Makaraang labis na damdamin ang paghihiwalay sa kanyang girlfriend, isang obrero ang sugatan matapos na tangkain nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa MRT station sa Cubao lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Masuwerte pa ring maituturing si Jefferson Beating, 28, ng Brgy. Bagbag, Valenzuela City dahil sa mismong bubungan lamang ng isang hotel ito bumagsak kung kaya nagtamo lamang ito ng mga galos sa katawan, ayon pa sa pulisya.

Ayon kay PO2 Romeo Rimando ng Cubao Police Station, nangyari ang insidente, ganap na alas- 8:10 ng gabi sa may MRT Cubao Station sa Edsa.

Diumano, bigla na lamang umanong narinig ng ilang concerned citizens ang malakas na kalabog mula sa bubungan malapit sa isang hotel hanggang sa makita doon ang biktima.

Agad na humingi ng tulong ang mga nakasaksi sa mga tauhan ng MMDA at isinugod sa East Avenue Medical Center kung saan ito agad na nilapatan ng lunas.

Ayon sa pulisya, na-depress umano si Beating dahil sa paghihiwalay nila ng kasintahan kaya naisip nito ang pagtalon.

Show comments