Bus na naman salpok sa truck: 7 sugatan

Bumangga sa isang trailer truck ang isa na namang pampa­saherong bus na AC Trans sa may EDSA-Muñoz kahapon ng madaling-araw kung saan 7 ang iniulat na nasugatan. (Kuha ni BERNARDO BATUIGAS)  

MANILA, Philippines - Nasugatan ang pitong pasahero ng isa na namang bus nang makabanggaan nito ang isang trailer truck sa northbound lane ng EDSA-Muñoz, kahapon ng madaling-araw.

Sa imbestigasyon ng Quezon City Traffic Bureau, sina­sabing  matulin ang takbo ng bus ng AC Trans  sa nabanggit na lugar dahilan para mabangga nito ang trak na noo’y  papasok na sana sa gate kung saan ito magde-deliver ng kargamento.

Sa pangyayari,  ang driver ng trak na nakilalang si Edgar Arandia at driver ng AC Trans na nakilalang  si Johnson Miravales ay kapwa  nagtamo ng minor injuries at  nabigyan ng paunang lunas ang mga sugat sa QC General Hospital.

Sa kanyang paliwanag, sinasabi ni Arandia na wala siyang kasalanan sa insidente dahil  mabilis ang takbo ng bus kaya nabangga sa minamaneho niyang trak samantalang katwiran ni Miravales na nasa  bus lane siya nang  bigla na lamang kumabig ang trak dahilan para magbanggaan sila.

Nangako naman ang pangasiwaan ng AC Trans na aakuin nila ang gastos ng mga pasahero na nasugatan sa insidente.

Show comments