MANILA, Philippines - Isasara ang ilang bahagi ng Commonwealth Avenue bukas (Marso 28) mula sa Sandiganbayan hanggang Litex dahil sa isasagawang pamamahayag o evangelical mission ng Iglesia ni Cristo (INC).
Bunga nito, pinayuhan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang mga elemento ng Department of Public Order and Safety (DPOS) na bantayan at alalayan ang mga motorista sa nabanggit na lugar para maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Mula alas-6 ng umaga hanggang sa matapos ang event sarado sa trapiko ang naturang bahagi ng lansangan.
Sinasabing hindi naman inaasahan ang matinding trapiko sa nabanggit na lugar dahil nakabakasyon na ang mga mag-aaral sa araw na nabanggit.