Saudi national, naghiwa ng pulso sa NAIA

MANILA, Philippines - Naghiwa ng pulso ang isang Saudi national kung saan ginamit pa ang kanyang dugo na pansulat sa dingding ng dayroom sa NAIA habang hinihintay nito ang kanyang deportation pabalik sa Doha Qatar, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang dayuhan na si Mazyad Darwish Alota­yit, 48, na dumating  sa bansa sakay ng Qatar Airways flight QE92 buhat Doha.

Sinabi ni Wilson Solu­ren, Immigration Intelligence head sa NAIA terminal 1 na pinigilan ang dayuhan na pumasok sa bansa dahil sa pagiging bastos at dahil na rin sa kanyang “unruly behavior”.

Nabatid na habang tinatanong ito patungkol sa pagbisita sa bansa, imbes na sumagot ay nagalit ito at inihagis ang dalang medisina at saka nagsisigaw  sa harap ng mga dumating na pasahero.

Ang kanyang inasal ay dahilan na rin para ito suma­ilalim sa deportation pabalik sa Qatar.

Pansamantala itong inila­gak sa NAIA dayroom sa may departure area habang hinihintay ang susunod na flight.

Doon umano nagkulong ang dayuhan at doon nagawang hiwain ni Alotayit ang kanyang pulso gamit ang  basag na CD at tinangkang mag-suicide.

Nagawa rin nitong gamitin ang kanyang dugo sa pagsulat ng Arabic words sa dingding ng kuwarto.

Nabatid naman na mga lugar lamang ang mga isinulat sa dugo ni Alotayit base sa pagbasa ng Muslim visa reader sa airport.

Dakong alas-5:30 ng hapon kahapon naitakda ang pagbalik nito sa Doha.

 

Show comments