MANILA, Philippines - Binulabog ng bomb threat ang isang paaralan sa Makati City, kahapon ng umaga.
Nabatid sa report na natanggap ng Makati City Police, kamakalawa ng gabi ay nakatanggap ng text message ang isang estudyante ng Makati Science National High School, na matatagpuan sa General Luna St., Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.
Nakasaad ang mensaheng may bomba umano sa naturang paaralan at sasabog ito kaya’t alas-7:00 kahapon ng umaga ay agad na pinabasa ng hindi na binanggit na paÂngalan ng estudyante ang natanggap niyang mensahe mula sa kanyang cellphone sa mga guro ng naturang paaralan.
Dahil sa insidente ay kaagad na pinababa ng mga guro ang mga estudyante sa school grounds habang mabilis naman na rumesponde ang mga tauhan ng Bomb Squad ng Makati City Police at sa kanilang isinagawang inspection ay negatibo naman sa bomba ang naturang paaralan.
Alas-8:45 ng umaga ay idineklarang negatibo sa bomba ang paaralan kaya nagsibalik ang mga estudyante upang ipagpatuloy ang nabulabog nilang klase.
Base sa rekord ng Makati City Police, nasa dalawang bomb threat ang natatanggap nilang report kada linggo, na kagagawan ng mga taong walang magawa sa buhay.