MANILA, Philippines - Isang Korean national at ang kasama nitong babae ang kapwa sugatan matapos bumangga at pumailalim ang sinaÂsakyan nilang AUV sa isang pampasaherong bus hanggang sa maipit, kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center ang Koreano na si Jae Yeongoh, 30, habang ang kasama nitong babae na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ay ginagamot naman sa Ospital ng Makati.
Halos isang oras bago nakuha ang naturang Koreano dahil naipit ito sa kanyang minamanehong sasakyan.
Samantala ang driver ng Admiral Transport Bus (PWR-177) ay nakilala namang si Jomar Galme, walang nakitang lisensiya dito dahil posibleng una na itong nahuli dahil sa traffic violation at tanging ipinakita lamang nito sa mga awtoridad ay isang traffic violation ticket.
Ayon sa imbestigasyon ni P03 Jaime Orante, ng Makati City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente alas-2:00 ng madaling araw sa southbound ng EDSA-Guadalupe, Makati City
Ayon kay Galme, habang binabagtas niya ang naturang lugar ay biglang sumalpok sa likuran niya ang Innova AUV na may plakang TMO -152 na minamaneho naman ito ng naturang dayuhan. Ayon sa mga awtoridad, lasing umano ang driver ng Innova AUV dahilan upang pumasok ito sa ilalim ng bus hanggang sa naipit ito sa loob ng minamaneho nitong sasakyan.
Sa kabila na idinepensa ni Galme, posible aniyang kaÂsuhan pa rin ito habang patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente.