MANILA, Philippines - Nadakip na kahapon makalipas ang may 12-taon ang isang 38-anyos na vendor na sangkot sa karumal-dumal na pagpaslang sa kanyang kasamahan sa Quiapo, Maynila.
Binitbit ng mga elemento ng Manila Police District-Homicide Section, ang suspek na si Federico Perez, 38, biyudo, residente ng Quiapo, Maynila dakong ala-1:45 ng hapon, habang ito ay nagtitinda.
Positibong itinuro ng biyudang si Imelda San Jose, ng E. Concepcion Aguila St., Quiapo ,Maynila ang suspek na siyang pumatay sa mister niyang si Reynaldo San Jose.
Lumuwa umano ang puso ng biktima nang tagain sa dibdib ng suspek habang natutulog at nagpapahinga sa kanilang trabaho sa Lapid Food Corporation noong Mayo 14, 2002.
Dahil sa impormasyon na nakalap ni Imelda na ipinarating sa Homicide Section, isinailalim sa surveillance ang suspek na may isang taon na ring nagbalik sa Quiapo, simula nang magtago at magpalipat-lipat umano ng lugar.
Aminado ang suspek na natakot siyang sumuko noon kaya nagtago muna, subalit lumantad lamang para magÂhanapbuhay. Nag-ugat umano ang alitan sa pagitan ng suspek at biktima dahil napapahiya ang suspek bilang garantor sa inutang ng biktima na 5’6’’ na hindi nahuhulugan.
Nakatakdang sampahan ng kasong murder ang suspek.