MANILA, Philippines - Natagpuan kahapon ng umaga ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae at isang batang babae na pinaniniwalaang pinagpapalo ng matigas na bagay sa ulo, kahapon ng umaga sa Taguig City.
Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng Taguig City Police ang pagkakakilanlan sa dalawang biktima at inaalam na rin kung ano ang relasyon ng mga ito. Ang babae ay tinatayang nasa 30 hanggang 35-anyos nakasuot ng pulang t-shirt at maong na pantalon, habang ang paslit naman ay tinatayang nasa lima hanggang pitong taong gulang at nakasuot ng violet na t-shirt at denim pants.
Sa inisyal na imbestigasyon nina PO3 Roger Aquilesca at PO3 Allan Onteling, ng Homicide Section ng Taguig City Police, natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa southbound lane ng C-5 Road sa likuran ng Treston International College sa Fort Bonifacio, Global City ng naturang siyudad alas-6:20 ng umaga.
Ayon pa sa pulisya, napag-alaman na huling nakita ng ilang testigo ang mga biktima kamakalawa alas-10:30 ng gabi sa naturang lugar habang may kausap na isang lalaki. May hinala ang pulisya na pinagpapalo ng bato sa ulo ang mga biktima dahil basag ang bungo ng mga ito na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Natagpuan din ng pulisya sa tabi ng mga bangkay ang malalaking tipak ng bato na may bahid ng dugo na hinihinalang ginamit ng salarin sa pagpatay.