MANILA, Philippines - Isang tindahan ng alahas ang hinoldap ng apat na armadong suspek sa mataong lugar ng Cubao kung saan natangay ang may P2 milyong halaga ng alahas sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, may apat suspek ang umatake sa sangay ng First Allied Emporium Jewelry Inc., subalit dalawa lamang sa kanila ang pumasok sa loob dahil nagsilbing look out ang dalawa pa na sakay ng mga motorsiklo na walang plaka.
Nangyari ang insidente, ganap na alas- 9:45 ng umaga kung saan kabubukas lamang ng nasabing shop na matatagpuan sa kahabaan ng Gen. Roxas, Araneta Center, Cubao.
Ang nasabing tindahan ay pag-aari ng isang Anaclito Cay, 54, ay nasa labas ng mall malapit sa General Araneta kadikit ng pawnshop at money changers.
Ayon kay PO3 Jamie de Jesus, biglang pumasok ang mga suspek na nakasuot ng bullcap at nagÂdeklara ng holdap habang nakaabang ang dalawa pa sa labas.
Hinataw ng martilyo ang display case saka sinimot ang mga alahas sa loob ng eskaparate at saka mabilis na nagsitakas sakay ng mga motorsiklo ng kanilang mga kasamahan.
Isang security guard na nakaposte sa entrance ng mall ang pinaputukan ang mga tumatakas na suspek, pero nagmintis din ito, habang si PO1 Leo Damo na nakatalaga malapit sa lugar ay sinasabing natamaan ang isa sa mga suspek.
Nakapatay umano ang CCTV camera ng shop nang maganap ang insidente, gayunman, ilan sa mga testigo ang nakatukoy sa isa sa mga suspek sa pamamagitan ng rogue gallery.