Teen actor, 3 pa huli ng PDEA

MANILA, Philippines - Inaresto ng mga ope­ratiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isa umanong teen actor­ at tatlo pa niyang mga kasama ma­tapos na mahuli sa akto na tumitira ng marijuana sa naganap na inter­national music­ festival sa Clarkfield, Pampanga.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., ang 17-anyos na aktor ay kasama  sa TV series, na “Galema” at dating kasama sa popular reality TV show. Habang ang ibang kasamahan nito ay kinilalang sina Juan Paulo Serafica, 19; Geano Dionisio, 23, pawang mga residente sa Quezon City; at isa pang 17-anyos na binatilyo.

Ang mga ito ay na­dakip sa isinagawang 7107 International Musi­c Festival, Global City, Clarkfield, Pampanga habang humihithit ng mari­juana sa music festival noong nakaraang Sabado,  ganap na alas-11:45 ng gabi.

Isang stainless box na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana; isang piraso ng stick ng marijuana; at isang kulay asul na tableta na hinihinalang valium at isang smoking pipe na may residue ng marijuana ang nakum­piska mula sa nabanggit na mga suspek.

Kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 15 (Use of Danger­ous Drugs), Article II, ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang inihandang isasampa sa korte laban sa mga suspects.

 Habang ang dalawang binatilyo ay itinurn-over naman ng PDEA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa San Fernando, Pampanga.

Show comments