MANILA, Philippines – Ibinasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Miyerkules ang apela ng Don Mariano Transit Corp. na bawiin ang pagkansela sa kanilang prangkisa kasunod nang malagim na aksidente nitong Disyembre.
Dahil dito ay nanatili ang desisyon ng LTFRB na kanselahin ang prangkisa ng lahat ng bus ng Don Mariano matapos mahulog ang isa nilang bus sa Skyway na ikinasawi ng 21 katao.
"The Board is upholding its decision to cancel, revoke and revert back to the State all the CPCs granted to Don Mariano Transit Corp. together with all the rights and privileges attached to it," pahayag ni LTFRB chairman Winston Ginez.
Naghain ng petisyon ang kompanya ng bus nitong Enero 27 kung saan sinabing mali-mali ang ginawang basehan ng LTFRB at hindi umiral ang due process sa pagkansela ng kanilang prangkisa.
"Maliwanag sa lahat ng dokumento at reports na nakalap ng Board sa iba’t ibang departmento ng gobyerno na may paglabag na nagawa ang Don Mariano Transit na dahilan para manatiling suspendido pa rin ang kanilang permiso para pumasada muli," banggit pa ni Ginez.
Iginiit ng LTFRB na naging pabaya ang kompanya ng bus lalo na’t hindi ang aksidente sa Skyway ang unang pagkakataon na kinasangkutan nila.
Ilan sa insidenteng tinutukoy ng LTFRB ang pagwalang bahala ng tsuper at konduktor sa isa nilang pasahero na hinoldap at sinaksak noong Mayo 19, 2012.
Isang bus din ng Don Mariano ang naaksidente sa EDSA-Ortigas flyover na ikinasugat ng kanilang mga pasahero noong Hunyo 4, 2012.
"The number of accidents that the bus company has been involved, not to mention the sheer number of lives lost and families displaced because of their loss, are primordial considerations that we can’t just ignore as non-issues in this case," sabi ni Ginez.