Rambulan: 1 patay, 3 sugatan

MANILA, Philippines - Napatay ang 17-anyos na binatilyo habang malubha naman ang tatlong iba pa  makaraang magrambulan ang grupo ng kabataan sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Idineklarang patay sa Manila Central University Hospital sanhi ng tama ng bala ng cal.45 pistol sa kanan dibdib ang biktimang si Rodmike Gerez habang sugatan naman sina Ramon Viernes, 21, kapwa nakatira sa Tagumpay Street, Bagong Barrio sa nasabing lungsod.

Naisugod naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Darwin Gamueda, 22, ng Pangako Street at ang suspek na si Zeus Laj Fontilla, 24,  ng Pag-asa Street sa nasabing lungsod.          

Ayon kay PO2 Edgar Manapat ng Caloocan City PNP, naganap ang insidente bandang ala-una y medya ng madaling araw sa Malolos Avenue sa panulukan ng Pag-asa Street.

Nabatid na nagkarambulan ang grupo ng kabataan hanggang sa pagbabarilin ni Fontilla ang mga biktima.

Nagawang pinagtataga ng isa sa mga biktima ang suspek habang napuruhan  naman si Gerez.

Narekober sa crime scene ang cal.45 pistol, anim na basyo ng bala at ang sa­murai habang patuloy naman ang imbestigasyon.

 

Show comments