Obrero nabagsakan ng pader, todas

MANILA, Philippines - Isang 48-anyos na obrero ang nasawi matapos madaganan ng pader na bumagsak sa isang building na dini-demolished sa Muntinlupa City kahapon.

Ayon kay Sr. Supt. Roque Eduardo Vega, hepe ng Mun­tinlupa City Police, dead on the spot ang biktimang si Joselito­ Bairoy, ng Bgy. Upper Sucat  ng naturang lungsod.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Eduardo Rodaje, ng Homicide Section, naganap ang insidente alas-9:30 ng umaga sa #37 Km 23, Ibarra St., Rizal Village, Barangay Cupang, Mun­tinlupa City.

Ang biktima at dalawang kasama nitong sina Jimmy Solano­, 58 at Julian Macuha, 40, ay pawang obrero sa naturang lugar dahil nagsagawa dito ng demolition sa isang lumang building.

Habang naghahanda ng kanilang kakainin sina Solano at Macuha, ang biktima naman ay abala sa paghuhukay at paghahanap ng mga bakal.

Hindi nito namalayan ang pagbagsak ng isang kon­kre­tong pader na sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Kaagad na ipinagbigay alam ng mga kasama ng biktima ang insidente sa mga pulis at patuloy na iniimbestigahan ang naturang insidente.

 

Show comments