MANILA, Philippines - Libu-libong pasahero ng Philippine National Railways (PNR) ang naistranded at naperwisyo matapos maantala ang biyahe nito dahil sumayad ang isang low-bed trailer truck sa riles ng train kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Base sa report, naganap ang insidente alas-2:00 ng madaling araw sa riles ng PNR, panulukan ng Osmeña highway at Don Bosco Street ng naturang lungsod.


Nabatid kay Edwin Ventura, crossing keeper ng PNR mula Don Bosco, hanggang Pasay Road station lamang nakabiyahe ang train ng PNR at mula naman sa Tutuban hanggang Magallañes EDSA Station lamang ang mga galing sa Alabang, Muntinlupa City na naging dahilan upang maistranded at maperwisyo ang libu-libong pasahero na sumasakay at tumatangkilik sa train ng PNR.
Nabatid na sumayad ang isang trailer truck na may kargang dalawang drainage colbert box sa riles ng train.

 Umabot sa 22 biyahe ng PNR ang naapektuhan magmula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-8:00 ng umaga.

Kinailangang maglakad ng dalawang kilometro ang mga pasahero sa Pasay Road Station galing Tutuban upang lumipat sa Magallanes EDSA Station kung saan nila aantayin ang nag-iisang train na bumibiyahe mula Magallañes patungong Alabang at pabalik.

Bukod sa naabala at naperwisyo ang mga pasahero, nagdulot din ng trapik sa northbound ng Osmeña Highway at umabot pa sa mahigit isang kilometro ang pila ng mga sasakyang pababa ng Don Bosco Exit mula sa Skyway dahil sa insidente.

Nabatid na mag-aalas-8:00 na ng umaga nang makapagpadala ng crane ang Makati Development Corporation, na contractor ng construction site kung saan sana dadalhin ang mga drainage colbert box na karga ng sumayad na trailer truck. Dakong alas-8:15 ng umaga nang tuluyang maalis ang sumadsad na trailer truck.