One strike policy vs MTPB personnel

MANILA, Philippines - Tiniyak  ni  Manila Traffic and Parking Bureau Director Carter Don Logica na ipinatutupad din  nila ang  ‘one strike policy’  sa mga traffic personnel at  hindi niya kukunsintihin ang  kanyang mga tauhan lalo pa’t sangkot ang mga ito sa katiwalian.

Ang pahayag ni Logica ay bunsod na rin ng  pagkakadawit ng tatlong miyembro ng  Elite na nahuli sa CCTV na tumatanggap ng areglo mula sa mga traffic violators.

Sa katunayan aniya ay agad siyang humingi ng  kopya ng  CCTV mula sa Metrpolitan Manila Development Authority (MMDA) upang  makita  ang  buong video at masampahan ng kaukulang  kaso ang mga traffic personnel.

Sinabi ni  Logica na  kailangan na ipatupad ang one strike policy dahil  bahagi ito ng   programa  ni traffic czar at Vice Mayor Isko Moreno na paluwagin ang  daloy ng trapiko gayundin ang linisin ang hanay ng  mga traffic enforcers.

Hindi naman nababahala si Logica na maubos ang mga traffic enforcers  sa pagpapatupad ng one strike policy dahil marami aniyang  nais na magtrabaho bilang  traffic enforcers.

Matatandaan na  sinabi ni Moreno na maituturing na  pribilehiyo ng mga traffic enforcers na matanggap bilang bahagi ng  MTPB subalit hindi dapat na abusihin at hindi dapat na lumabag sa batas.

 

Show comments