Rider patay sa van

MANILA, Philippines - Namatay ang isang supervisor matapos mahagip at magulungan ng isang van habang sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ronald Ronda, 29,   ng Valley Golf, San Juan, Cainta, Rizal.

Si Ronda ay nasawi habang ginagamot sa East Avenue Medical Center dahil sa matinding pinsala na tinamo nito matapos magulungan ng sasakyan.

Sumuko naman ang suspek na si Darwin Lagata, 37, binata, driver ng  4 Flores de Mayor St., San Francisco del Monte, QC.

Ayon kay Traffic Aide Investigator Crisanto Gragasin ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit Traffic Sector 5, naganap ang insidente sa Commonwealth Avenue corner Regalado Extension malapit sa Fairview Mall West Fairview  sa lungsod dakong 9:30 ng gabi.

Sinabi sa ulat na sakay ng isang Honda motorcycle (5751-UN) ang biktima at tinatahak ang kahabaan ng Common­wealth nang mahagip ito ng minamanehong Nissan Urvan UV Express (UVT-847) ni Lagata.

Matapos umanong mahagip ang biktima, nagulungan pa ito ng gulong ng naturang van na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Kasalukuyan ngayong nakapiit ang suspek at naha­harap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

 

Show comments