P100,000 pabuya vs nanloob, pumatay sa mag-ama sa Malabon

MANILA, Philippines - Isandaang libong piso  ang inilaang pabuya ni Malabon City  Mayor Antolin “Lenlen” Oreta III  sa sinumang makapagtuturo upang madakip  ang  mga suspek na nanloob at pumatay sa kanilang  empleyado  at sa anak nitong lalaki  na naganap kamakalawa ng madaling araw sa naturang lungsod.

Nabatid kahapon kay Senior Supt. Severino Abad, Jr., hepe ng Navotas City Police,  maaari aniyang   tumawag sa mga numerong 281-4999 local 1009/09155655385 o di kaya’y  09189174507 ang sinumang makapagbibigay impormasyon hinggil  sa mga suspek na responsable sa krimen.

Ang mag-amang  biktima na sina Felizardo Coralde, Jr., 47, record officer ng Malabon City Hall at anak na si Albert, 19, engineering student,  ay kapwa residente ng N. Vidal St., Brgy.Ibaba ng nasabing lungsod ay parehong nilaslas ang leeg matapos na igapos at pagnakawan ng pinaniniwalaang grupo ng ‘Akyat bahay gang’ noong Miyerkules ng madaling araw  sa loob ng kanilang tahanan.

Para sa ikareresolba ng kaso, magbibigay ng halagang P100,000.00  bilang pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon  hinggil sa  makapagtuturo sa mga suspek.

Show comments