MANILA, Philippines - Umapela ang mga motorista kay Manila Mayor Joseph Estrada na ilimita ang pagbibigay ng special permit sa mga vendor na nagiging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang lugar sa lungsod.
Ayon sa mga motorista halos lahat ng mga lugar ay pinaglalagyan ng tiangge na hindi naman dapat. Naisasakatuparan ito dahil na rin sa special permit na ibinibigay ni Atty. Ed Serapio ang Secretary to the Mayor.
Partikular na tinututulan ng mga motorista ay ang paglalagay ng tent o tiangge sa harap ng nagsarang Plaza Fair Dept. Store sa Sta. Cruz.
Ipinaliwanag ng mga motorista na sobra ang sikip ng daloy ng sasakyan lalo pa’t hindi pa gawa ang kalye sa Avenida Rizal dahil sa mga bungkal.
Pakiusap ng mga motoÂrista gayudin ang publiko, limitahan ang mga pagbibigay ng special permit sa mga vendor lalo pa’t marami ang maapektuhan.
Samantala, sinabi din ng ilang commuters na marami ang nagiging biktima ng holdapan at snatching sa lugar dahil sa natatakpan na ng mga tent ang lugar kung saan daan.
Bukod dito, lumalala rin ang pagdumi ng lugar dahil na rin sa kawalan ng disiplina ng mga nagtitinda. Pakiusap ng publiko, linisin ang kanilang lugar mula sa mga basura upang hindi na makadagdag pa sa pagÂbabaha.