MANILA, Philippines - Isang pulis at isang da-ting pulis ang kapwa sugatan, makaraang mauwi sa pananaksak at pamamaril ang simpleng hindi nila pagkakaunawaan sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang mga sangkot na sina PO2 Christopher de Guzman, 36, may-asawa, nakatalaga sa Police Station 9; at Isaias Merced, 46, may-asawa, dating miyembro ng PNP at nakatira sa MB 34, Unit-209 BCDA, Brgy. Ususan, Taguig City.
Ayon kay PO3 Jogene Hernandez, imbestigador, ang dalawa ay kapwa nag-hain ng reklamo sa isa’t isa bunga ng naturang insidente.
Nag-ugat ang pangyayari nang tanungin ni PO2 De Guzman ang anak ni Merced na si Ryuji kung saan ito nakatira, bagay na ikinagalit ng huli at nagsumbong sa kanyang tatay na nauwi sa mainitang komprontasyon.
Naganap ito sa may harap ng isang Sari-sari store na matatagpuan sa no. 7-D Maayusin Extension, Brgy. San Vicente, alas 2 ng madaling-araw.
Bago ang insidente, ang pamilya ni Isaias Merced ay nagpunta sa San Vicente, para dumalo sa birthday celebration ng kanilang kaibigan. Mula dito, ang anak ni Merced na si Ryuji ay nagpunta sa isang tindahan para bumili ng sigarilyo kung saan naabutan niya dito si De Guzman at ilang kaibigan na nagkukuwentuhan.
Bilang pulis, batid umano ni PO2 De Guzman ang talamak na nakawang nagaganap sa lugar, kaya dahil bagong mukha si Ryuji nilapitan niya ito at tinanong kung saan nakatira, pero sa halip na sumagot nainis umano ang huli at umalis.
Ilang sandali, dumating umano si Isaias kasama ang anak na si Ryuji at tatlo pang kaibigan at kinompronta si De Guzman. Isang Eduardo Roy, na kanilang kaibigan ang tinangkang ayusin ang dalawa, pero habang nagu-usap nagtungo umano sa likod ni De Guzman si Isaias saka inundayan ang huli ng saksak sa tagiliran.
Kahit sugatan, nagawa pang maka-urong si De Guzman saka binaril sa kaliwang hita si Merced.
Matapos nito, kapwa isinugod ang dalawa sa ospital, si Merced ay sa East Avenue Medical Center, pero inilipat sa Veterans Memorial Medical Center. Habang si De Guzman naman ay dinala sa AFP Medical Center, saka inilipat sa Chinese General Hospital.
Ang baril ni De Guzman, ay itinurn-over na nito kay SPO2 Cajiles ng PS9, kasama ang tingga na narekober sa lugar para sa imbestigasyon. Habang ang balisong na ginamit umano ni Merced ay itinurn-over naman ni Roy sa pulisya.