MANILA, Philippines - Isang babae ang patay makaraang pagbabarilin ng hindi natukoy na salarin malapit sa isang compound ng Muslim sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Dahil walang pagkakakilanlan, isinalarawan ang nasawi sa edad na 35-40, may katabaan ang pangangatawan, nakasuot ng puting t-shirt at itim na jacket at puting pants. May tattoo din itong bulaklak sa may kanang dibdib at tribal sa kaliwang binti.
Ayon sa pulisya, tinitignan nila sa insidente ang anggulong iligal na droga dahil matapos ang pagsisiyasat ay nakuhanan ito ng plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Blangko naman ang awtoridad sa pagkakakilalanlan ng salarin dahil wala man lang sa mga residente ang gustong magsalita ukol dito.
Sa ulat ni PO2 George Caculba, imbestigador, nangyari ang insidente sa may kanto ng Libyan St., Salaam Mosque compound, Brgy. Culiat, ganap na ala 1 ng madaling-araw.
Ayon kay Abdulicarim Kilam, busy siya sa pag-aasikaso sa kanyang kainan, nang makarinig siya ng mga putok ng baril mula sa labas.
Nang kanyang tignan ay saka bumulaga sa kanya ang duguan at walang buhay na katawan ng biktima.
Sa pagsisiyasat, narekober sa lugar ang tatlong piraso ng basyo ng bala ng kalibre 45, isang tingga, isang buhay na bala ng kalibre 45. Gayundin ang ilang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.