Mike Enriquez natangayan ng P1.8-M

MANILA, Philippines - Inaresto ng mga operatiba ng NBI-Anti-Organized Crime Division ang isang bank ma­nager sa kasong falsification thru reckless imprudence of commercial document.

Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Metropolitan Trial Court Branch 10 Manila, acting Judge Yolanda Leonardo laban kay Cynthia Lira, bank manager sa isang banko sa Pedro Gil Mabini Branch sa Ermita, Manila sa pangunguna ni head agent Rommel Vallejo.

Batay sa rekord ng korte, nag-ugat ang pag-aresto base sa reklamo ng broadcaster na si Mike Enriquez noong pang huling quarter ng 2012, matapos payagan umano ni Lira na makapagbukas ng bank account sa pamamagitan ng ATM sa isang Rosario Aragon, dating account ma­­­nager ng GMA Marketing­ and Production Inc. para sa pangalang Miguel ‘Mike’ Enri­quez, gamit ang pinekeng application form at pinekeng pirma ng complainant.

Sinasabing ginamit ni Aragon ang naturang bank account upang mai-deposito at mai-withdraw ang mga tse­keng inisyu at nakapangalan kay Enriquez.

Kaagad namang nagsampa ng kaso si Enriquez nang matuklasang ginamit ang kanyang pangalan kung saan natangayan na siya ng may P1.8 milyon gamit ang naturang gi­nawang account ni Aragon.

Itinakda ng hukuman ang P12,000 ang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Lira.

Samantala, nabatid na si Aragon ay nahaharap naman sa hiwalay na kasong qualified theft through falsification of a commercial documents  sa Manila RTC Branch 10.

 

Show comments