Taxi driver iginapos, binusalan sa holdap

MANILA, Philippines - Nadiskubreng may busal at nakagapos ang isang 39-anyos na taxi driver sa loob ng kaniyang taxi matapos na holdapin at abandonahin sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Rodrigo Medina, ng Patubig St., San Rafael, Bulacan ay nadiskubreng nasa loob ng minama­neho niyang puting Toyota Vios (UWA 935) na Herlet Joy taxi, dakong alas 5:30 ng umaga sa kanto ng Bautista at Consuelo Sts., Malate, Maynila.

Sa ulat, sinabi ng biktima na bandang alas-2:00 ng mada­ling-araw nang sumakay sa kanyang taxi sa kanto ng Buendia at Pasong Tamo Sts., sa Makati City ang dalawang suspek at nag­pahatid sa Lee Garden Hotel sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Gayunman, pagdating pa lamang sa Shaw Blvd., ay naglabas ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap at inutusan siyang itigil ang taxi sa gilid ng kalye.

Itinali siya ng isang suspek sa kamay at paa gamit ang alambre at binusalan sa bibig bago tinangay ang kaniyang P4,000 kinita at identification card at minaneho ang kaniyang taxi at iniwan siya sa bahagi ng Maynila.

Narinig umano ng isang Roy Payoyo, barangay tanod sa lugar, ang ungol sa loob ng taxi kaya nadiskubre na naroon at nakatali ang driver nito.

 

Show comments