20 pinagdadampot sa Intramuros

MANILA, Philippines - Pinagdadampot ang may 20 katao sa isinagawang follow-up operation ng Manila Police District-Station 5 sa Intramuros, Manila­, kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay MPD Station 5 Commander, P/Supt. Alex Yanqui­ling, ang operasyon ay bunsod ng paghahanap sa mga responsable sa pamamaslang sa tatlong kuliglig drivers malapit sa Manila City Hall at National Museum nitong Huwebes.

“Ito ay offshoot ng shootout kahapon (Huwebes) wherein yung mga taga-Baseco at Intramuros naglalaban, parang turf war sa droga,” paliwanag ni Yanquiling.

Ani Yanquiling, ilan sa mga nasakote sa Barangay 654, Zone 29, Legaspi Street sa Intramuros ay naaktuhan pang nagse-sesyon­ nang maaresto.

Ang mga ito ay awtomatiko umanong sasampahan ng ka­ukulang kaso habang ang iba pang naaresto ay isasailalim sa drug test at saka sasampahan ng kaso.

Ayon naman kay Barangay Chairman Juvy Fuentes, ang mga suspek ay hindi naman residente ng barangay at walang anumang rekord ng ilegal na aktibidad sa kanilang lugar, ngunit paniwala ng mga awtoridad, posibleng supplier  at user umano ang mga ito ng ilegal na droga sa barangay.

Isa sa dinampot na kinilalang si Butch Navarro ang nagbunyag sa mga awtoridad na ilan sa kanilang kliyente o suki sa ilegal drugs ay mga empleyado ng ilang tanggapan ng gobyerno sa Intramuros­ area.

Kabilang sa mga narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ay shabu,drug paraphernalia, cellphones, gambling machines at pera.

Iniimbestigahan na rin aniya, nila kung posibleng nabigong drug deal ang naging sanhi ng pamamaslang sa mga biktima.

Matatandaang tatlong kuliglig drivers ang pinaslang ma­lapit sa National Museum ng dalawang riding in tandem habang lulan­ ng isang motorized pedicab o kuliglig.

Show comments