MANILA, Philippines - Tiyak na magiging aktibo, progresibo at result oriented ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas matapos mahalal bilang pangulo nito noong nakaraang Enero 16 si Edmund Abesamis, pangulo ng barangayan sa Nueva Ecija.
Ito ang siniguro ni Abesamis sa 42,000 barangay sa buong bansa kasabay ang pagtiyak na lalo pa niyang patatagin at isusulong ang koordinasyon sa pagitan ng pamahalaang nasyonal at mga lider ng barangay sa buong Pilipinas.
Sinabi rin ni Kapitan o Atty. Edmund sa barangayan, na kanyang ilalapit sa Malakanyang at Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatupad ng lahat ng benepisyo sa barangayan na isinasaad sa Local Government Code ng ‘Pinas.
“Bilang puno ng barangayan sa bansa ay isusulong ko ang aking number 1 agenda at ito ay ang maging kabahagi at ka-partner ng gobyernong nasyonal ang 42,000 barangay sa Pinas,†wika ni Abesamis.
Sa paliwanag ni Abesamis, alam naman ng lahat na sobra-sobra ang programa ng nasyonal na pamahalaan sa bansa pero hindi ito nakararating sa barangayan kaya ito sumasablay.
Naniniwala si Kapitan Abesamis na ang partisipasyon ng barangayan sa lahat ng proyekto ng pamahalaan ang susi upang ganap na maramdaman ng tao ang pagkalinga ng gobyerno.
Hangad din ni Abesamis, anak ni dating Supreme Court administrator at dating Court of Appeal Justice Bernardo Padilla Abesamis, na mapag-isa ang barangayan sa buong bansa lalo na sa aspeto sa pakikibaka sa kalamidad na dumarating sa bansa.
Kasama sa plano ng bagong pangulo ng Liga ng mga Barangay ang pagkakaroon ng dialogo sa bawat lider barangay sa bawat rehiyon sa bansa.