MANILA, Philippines - Timbog ang isang 24-anyos na notoryus na mandurukot na may santambak na warrant of arrest mula sa iba’t ibang lugar sa bansa, nang matiyempuhan ng mga operatiba ng Manila Police District-District Special Operations Unit (MPD-DSOU) na naglalamay sa patay sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinilala ni DSOU chief, P/Supt. Samuel Pabonita ang naarestong si Bryan Duque Y Cruz, walang asawa, residente ng no. 933 D. Santiago st., Sampaloc, Maynila.
Aminado naman ang suspek na siya ay may mga nakakalat na larawan sa mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) makaraang mahuli siya sa kasong pandurukot sa mga pasahero at nagagawa pa niyang magtungo sa ibang bansa, tulad ng Hong Kong upang doon mandukot at magnakaw.
Sa ulat, isang impormante ang nagbigay ng tip sa mga tauhan ng DSOU hinggil sa presensiya ng suspect sa cara y cruz, sa lamayan sa patay kaya tinungo ito habang ang ilan sa operatiba ay kumuha ng kopya ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Junius Delaten ng Municipal Trial Court, First Judicial Region ng Calasiao, Pangasinan nitong Enero 13, 2014.
Dakong alas 9:00 ng gabi ng araw na ito nang isagawa din ang pag-aresto sa suspek na hindi na nakapalag matapos ipakita sa kaniya ang arrest warrant, habang ito ay tumataya sa nasabing pasugal sa patay na nasa gilid lamang ng Pureza st., Sta. Mesa.
Kamakalawa nang ilipat ng kustodiya sa Warrant Section ng MPD ang suspek na hindi magawang maglagak ng piyansa nang isa-isang magdatingan ang mga kopya ng warrant of arrest kaugnay sa pandurukot, sa mga lugar ng Maynila, Quezon City at Caloocan.
“Aalamin din namin kung anong pangalan ang ginagamit niya kasi may impormasyon kami na maski sa abroad nakakapandukot ito, sabi nga nagpupunta daw ito sa ibang bansa na hindi kailangan ng visa kaya nakakalusot kahit may mga pending case,†ani PO3 Manuel Pimentel, ng MPD-DSOU.