MANILA, Philippines - Kinansela na ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng buong fleet ng Don Mariano Transit Corporation na kinabibilangan ng 78 units ng mga bus.
Sinabi ni LTFRB Chairman Winston Ginez na napatunayan nilang nagkasala ang Don Mariano sa ibat- ibang kaso ng aksidente na ang pinakahuli ay ang pagkahulog ng isang unit nito sa Skyway noong Disyembre 16 na ikinamatay ng 21 katao.
“Considering the number of violations committed by respondent in the past and now the discovery of its illegal change, transfer and use of a different chassis from that registered with the LTFRB and the LTO, it is only apt that is board go further from mere suspension or revocation of the particular unit involved in the accident or the certificate of public convenience (franchise) where the bus unit belongs,†nakasaad sa 20 pahinang ruling ng LTFRB.
Kaugnay nito, pinagbigyan naman ni Ginez ang pamunuan ng Don Mariano Transit na magsampa ng motion for reconsideration kaugnay ng kaso.
Ito ay makaraang sabihin ni Atty. Jason Cantil, kinatawan ng Don Mariano na iaapela nila ang desisyon sa LTFRB o sa Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil problema nila kung saan kukuha ng pang-suporta sa pamilya ng mga nasawi at mga nasugatan.
Anya, nakapagpalabas na ang kompanya ng P11 milyon para sa mga biktima ng naturang aksidente pero kailangan pa rin masustinihan ang pangangailangan pa ng mga biktima.
Gayundin, mawawalan ng trabaho ang may 160 nilang driver at kundoktor na umaasa sa kanilang kita sa pamamasada.