Grade 6 student nakuryente, patay

MANILA, Philippines - Hindi na nahingi ng isang grade 6 student ang kanyang aginaldo mula sa kanyang  tiyuhin  matapos na makuryente habang patungo sa bahay ng huli  sa Tondo,Maynila, kamakalawa ng umaga.

Dead on  arrival sa Tondo General Hospital ang biktimang si Jerwin Villega, 12 at residente ng Building 17, Unit 313,  Permanent Housing, Smokey Mountain, Balut, Tondo, Maynila.

Sa ulat ni PO3 Jay Santos ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa isang eskinitang nasa tapat ng Bldg 25, Permanent Housing, Tondo.

Nabatid na ang biktima at kaniyang nanay ay nagtungo sa kanilang kamag-anak sa Building 25 subalit bago pa man nakarating ang mag-ina sa kanilang pupuntahan ay nagpaalam ang biktima sa kanyang ina na magtutungo muna ito sa  kanyang tiyuhin na kalapit lamang na gusali.

Nangako umano ang tiyuhin nito na bibigyan ng regalo ang biktima sa  pagbalik nito sa Bagong Taon.

Habang patungo sa kanyang tiyuhin ay nadulas ang biktima at nanatapakan ang live wire na naging dahilan upang ito ay mangisay.

Tinangka pang isalba ng inang si Josephine ang anak subalit hindi siya pinalapit ng mga residente upang hindi na madamay sa pagkakuryente. Nang makalas ay itinakbo ang biktima sa pagamutan.

Itinawag pa umano sa Manila Electric Company (Meralco) ang naka­balagbag na kuryente at rumesponde naman ang dalawang electrician ng Meralco na umayos sa kuryente.

Show comments