4 huli sa pagdadala ng baril

MANILA, Philippines - Himas rehas nga­yon ang apat na kala­lakihan makaraang makuhanan ng baril ng mga awtoridad habang naglalakad sa isang kalye­ sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police Station 4, ang mga suspect na sina Sonny Quirino, 29; Jujun Solidio, 20; Mark An­thony Pelayo; at Presley Pelayo; pawang mga residente ng Brgy. Bartolome Nova­liches sa lungsod.

Ayon kay Babagay, na­kumpiska sa mga suspect ang isang homemade na kalibre 38 baril na may  24 na piraso ng bala.

Bukod dito, tinangka pa umanong manlaban ng mga suspect sa mga awtoridad nang aarestuhin kung kaya bukod sa kasong illegal possession of firearms ay kakaharapin din ng mga ito ang kasong attempted homicide at presidential degree 1829 o obstruction of apprehension.

Nangyari ang in­si­dente sa may kaha­baan ng Kingspoint Avenue­, Bagbag Nova, ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.

Bago nito, nagpa­patrulya ang mga pulis na sina PO3 Patricio Gayo at PO2 Gedan Poras sa nasabing lugar nang makasalubong nila ang mga suspect.

Sa hindi inaasahan, nagkabanggaan ang pulis na si Poras at isa sa mga suspect, hanggang sa biglang magtatakbo ang suspect na si Quirino dahilan para habulin ito ni Poras habang pinigilan naman ni Gayo ang tatlo.

Ang habulan ay tu­magal ng ilang Segundo hanggang sa makor­ner ni Poras si Quirino. Dito ay bigla na lang umanong naglabas ng baril si Quirino, pero mabilis na dinisarmahan ito ni Poras.

Nang dadalhin sa presinto ang mga suspect, ay pumalag ang mga ito, subalit nanaig pa rin ang mga awtoridad.

 

Show comments