Nangongotong sa mga truck, inutas

MANILA, Philippines - Bulagta ang isang 37-anyos na kabilang sa sinasabing ‘barya boy’ o nanghihingi ng barya sa  mga motorista nang paulanan ng bala ng baril ng riding in tandem  habang nanghihingi ng barya sa mga dumaraang truck sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot dahil sa tinamong limang tama ng bala ang biktimang si Vermon Batenga, nakatira sa  PUJ Parking Aragon St., Sta. Cruz, Maynila.

Mabilis na nakasibad ang mga suspect na inilarawan ang gunman sa taas na  5’4’’- 5’5’’, nakasuot ng   itim na helmet at jacket, maong na pantalon at rubber shoes; at ang isa naman ay nakasuot ng bonnet at maong pants at sakay ng motorsiklo na kulay itim  sa direksiyon ng Dobriedad St., Sampaloc, Maynila.

Sa ulat  ni SPO2 Milbert Balingan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas -11:00 ng gabi ng maganap ang insidente sa Cristobal St. Sampaloc, Maynila.

Nabatid na abalang nanghihingi ang biktima sa mga nagdaraang truck kasama ang kanyang kapatid na si Allan Kristoffer nang lapitan  ng isa sa mga suspect at pinaputukan ng sunud-sunod.

Inaalam pa ang motibo sa krimen.

Show comments