MANILA, Philippines - Nakaligtas sa disgrasya ang may 30 pasahero ng isang bus na nagloko matapos matanggalan ng gulong habang binabagtas ang kahabaan ng Quezon Avenue-underpass kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Quezon City Police Traffic Sector 4, natanggalan ng gulong ang Mafel Trans bus (UVA-512) na minamaneho ng isang Crisencio de Villa, 47.
Gayunman, bahagya namang nasira nang tumalsik na gulong ang isang Isuzu Altera (NQC-248) at isang public utility jeepney (TVX-860).
Nangyari ang insidente sa harap ng Mita Motors sa Quezon Avenue-Quezon underpass sa may panulukan ng Sct. Chuatoco St., Brgy. Roxas District, ganap na alas- 8:30 ng umaga. Diumano, galing ng Welcome Rotonda ang bus at binabagtas ang naturang kalye patungo sa direksyon ng Edsa nang biglang matanggal ang kaliwang gulong nito.
Dahil sa pangyayari bigla umanong nag-iba ang giya ng bus at tumagilid ito hanggang sa okupahin ang kabilang linya ng kalsada, bago ito huminto.
Ligtas naman ang mga pasahero ng bus at mga sakay ng nasabing mga sasakyan.
Depensa pa ng drayber, maayos ang kondisyon ng kanyang bus bago bumiyahe at araw-araw rin itong iniinspeksyon. Maalalang naging mainit ang isyu ng mga pampasaherong bus dulot ng naganap na aksidente sa skyway kamakailan.