MANILA, Philippines - Utas ang isang ginang habang isa pa ang sugatan sa pamamaril ng dalawang lalaki kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Si Josephine Rufin, 47, ng Phase 2, Area 3, Dagat-Dagatan Avenue, Brgy. 14 ng nasabing lungsod ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Tondo GeneÂral Hospital sanhi ng tama ng bala ng baril sa katawan habang himalang hindi nahagip ng bala ang karga nitong anak na hindi na nakuha ang pangalan.
Ginagamot naman sa nabanggit na pagamutan ang isa pang biktima na si Joseph Corcino, 31, naninirahan din sa naturang lugar na sinasabing siya talagang target sa pamamaril.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawang suspek na ang isa ay nakilala lamang sa alyas Iking.
Naganap ang insidente alas-10:00 ng umaga sa kaÂhabaan ng Dagat-Dagatan Avenue ng naturang siyudad.
Ayon sa ulat ng pulisya, kasalukuyang hinahabol ng grupo ng mga suspek ang biktimang si Corcino nang mapadaan sa naturang lugar ang ginang at mapagkamalan ng mga salarin na kasama ng kanilang target kung kaya’t agad itong binaril.
Bumulagta kaagad si Rufin at himalang hindi tinamaan ng bala ng baril ang karga nitong anak habang tinamaan din ang talagang target nilang si Corcino. Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek.