MANILA, Philippines - Isang 73-anyos na negosyante ang niratrat ng hindi pa nakikilalang suspek sa harapan ng isang internet shop sa Brgy. Sagad, Pasig City, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima na kaagad ding binawian ng buhay bunsod nang tinamong pitong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Rodolfo Oregas, residente ng Dr. Pilapil St., Brgy. Sagad.
Mabilis namang tumakas ang dalawang suspek sa krimen na lulan ng isang kulay orange na tricycle na may body no. 328.
Batay sa ulat ni PO3 Rusthom Valdez, ng Pasig City Police, nabatid na naganap ang pamamaril dakong alas-4:00 ng madaling araw sa tapat ng A-site Internet Café sa naturang barangay.
Sa salaysay ng isang saksi sa krimen, naglalaro umano siya ng computer sa loob ng internet shop nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa labas.
Kaagad umano siyang yumuko mula sa kanyang kinauupuan sa pangambang tamaan ng ligaw na bala.
Maya-maya ay sumilip umano siya sa labas at dito niya nakita ang isang armadong lalaki na nakasuot ng kulay itim na jacket at sombrero, na aktong papasakay sa isang tricycle, habang ang biktima ay duguan nang nakahandusay sa kalsada.
Ayon sa pulisya, inaÂalam pa nila ang motibo ng pamamaslang sa biktima at kung sino ang may kagaÂgawan nito.
Tiniyak naman ng pulisya na lahat ng anggulo sa krimen ay tinitingnan na nila sa ngayon, kasama na ang negosyong paupahan ng biktima at kung may kaaway ito.
Kukuha rin umano sila ng kopya ng footage ng CCTV camera sa lugar upang makatulong sa pagÂresolba sa krimen.